Ako’y tila isang guryon na waring sumasayaw sa musika ng hangin
Hanging hindi ko mabatid ang lakas at bagsik
Kaagapay ang dalangin at paniniwala sa tibay ng natatanging tali
Ako’y wag hayaang mapadpad sa kawalan ng langit
Kasabay ng aking pagsayaw sa indayog ng musika
Kasabay ng bawat galaw at hakbang na hindi maalintana
Isang matibay na paniniwala sa daang may buhay at saya
Isang mithiin ng magpakailanman na umusbong noong simula
Sa malawak na karagatan ng langit na puno ng iba’t ibang kulay
Aking pilit na tinatanaw ang nais masulyapan
Ang posibilidad dala ng bukas hanggang dulo at sukdulan
Puro at tunay na kasiyahang magbibigay ganap sa’king buhay
Sa aking paglipad at pagtahak sa landas na hindi inakala
Maraming naiwan ngunit kailanma’y hindi makakalimutan
Sa isip at puso ko’y natatangi at patuloy na inaalala
Mga salaysay ng buhay na nagsilbing isang kayamanan
Hindi pa man matanaw ang bukas na dala ng bawat umaga
Hindi man nakakasiguro sa araw na darating
Sa bawat dalangin ko’y natatangi ang lakas at bagong pag-asa
Gabay, kaligtasan at walang pasubaling pag-ibig
Isasalaysay sapamamagitan ng pagsulat ng mga salita at pangugusap
Sariling pagbibigay kahulugan sa sariling kataga
Walang pagtatakip ng pagkakamali at pagkukubli ng hirap
Walang pagkukunwari ng katotohanan at saya
Responsibilidad ang paglipad sa isang malawak na hardin
Hardin na maaring dulot ay karimlan o langit
Ang kalayaang maisulat at mailahad ang nais sabihin
At maipabatid ang kakayahang maglarawan at gumuhit
Maihahambing man sa isang guryon o sa isang ibong mandirigma
Ako’y patuloy na maglalakbay sa tayog ng alapaap
Sa langit ng bahaghari at makakapal na ulap
Kaakibat ang lakas ng loob, mga dalangin at mga paniniwala
Sariling aklat mula sa unang pahina, ito ang aking simula at ako ang tanging may akda